Marso 13, 2007: Ang buong akala ko'y batibot lamang na paglalaro
ang aking gagawin sa pagpasok ko sa grupong ito.
Ngunit ako'y nagkamali.
Ninerbiyos ako at nagtangkang umatras
at wag nang makisali sa mga talakayang
mukang diko kayang sabayan.
Ganun pa man, sinabi ko sa sarili ko na magtiwala
sa aking natutunan sa loob ng pamantasan,
sa patuloy na pagmamasid sa ating kapaligiran
at sa aking mga karanasan.
Sapat na ika ko ang mga bagay na iyon
upang maiparinig ko rin ang aking boses
at maipamahagi ang aking mga damdamin.
Nagsimula akong maging isang ganap na kaBOBO.
Sa hinaba-haba ng panahon,
napakarami na naming napag-daanan.
Tinalakay na namin ang halos lahat;
ang ating gobyernong binabalakubak dahil sa politika,
ang likas na yaman na binababoy ng mga maharlika,
ang ekonomiyang nalolosyang,
ang nagmumutang pamahalaan...
ang kalampahan ng mga akademya.
Masarap palagi ang aming usapan.
Madalas, tila kami mga sinaniban ng kung anong espiritu ng katapangan.
Kami at ang mga kataga naming nakakahon sa apat na sulok ng computer monitor.
Oo, nakakahon kami, ngunit hindi ang aming mga ideya't pag-iisip.
Malayo parati ang aming nararating.
Sa pamamagitan ng PAGSUSULAT,
pinapasok at sinasalat namin maging ang mga pinaka sensitibong isyu.
Minsan, nakakapasong makisabay.
Subalit lahat sila ay parating sumusugal,
kaya nakisugal na rin ako.
Ikinalat ko ang bawat himaymay ng aking pagkatao...
ang bawat hibla ng prinsipyong niyakap ko.
PAGSUSULAT ang naging paraan namin upang magkaisa.
PAGSUSULAT ang naging paraan namin upang magkakila-kilala.
PAGSUSULAT ang nagbuklod sa amin upang maging isang pamilya.
Nagsimulang mamuo ang ulap ng bigla KANG magpakita.
Tila mga along nagsasalpukan ang mga kataga MONG binitawan.
Nagkunwari ako na ang mga pasaring mo'y pagbibiro lamang.
Naisip ko na huhupa ka rin. Matatauhan.
Ngunit hindi. Tinapakan mo ang aking
mga akdang ipinabasa nila sayo.
Kinuwestyon mo ang adhikain ng aming grupo.
Para sayo, tapos na ang produkto.
Nasalat mo na't dika nasiyahan.
Para sa iyo'y isa lamang iyong retaso.
Basahang gusto mong ibasura.
Bumalumbon ang maitim na ulap sa ating pagitan.
Hinugot ko ang natitira ko pang pasensya
upang hawiin ang kadiliman, subalit natigilan ako.
Hindi ko alam kung saan mo sinasalok ang katuwiran mo.
Baguhan ka pa lamang. Bagito ka pa at ako'y matagal na dito.
Ipinaalala ko sayo ang pagiging sibilisado.
Bawat opinyon ika ko'y dapat mong irespeto.
Ngunit tila tirador na bumalik sa akin ang aking mga tinuran.
Sa iyong opinyon kamo'y kami'y mga nakikipag-utuan.
Kumaripas ng ilang milya ang aking alaala.
Ang mga katulad mo rin noon na nang-uyam sa samahang ito.
Ang mga nagparatang samin na kami raw ay mga BOBO.
Nababagay ika mo samin ang bansag na ito.
Personalan na ang laban. Prinsipyo laban sa prinsipyo.
Nais lang namin na makatulong at gumawa ng kabutihan.
Na ipakita sa lahat na buhay parin
kaming mga kabataang pag-asa ng bayan.
Na sa kabila ng kahirapan at kaguluhan,
kami'y mayroon paring silbi sa lipunan.
Parte KA ng kabataang nabanggit ko.
Mabigat ang tungkuling nakaatang sa iyong mga balikat.
Kaya't dina kita masisisi kung maduduwag ka
at masisiyahan na lamang sa
ganyang estado mo ng pag-iisip at katuwiran.
Kung magkaganoon, dika dapat kainisan...
Dapat ka naming KAAWAAN!
*****************************************
Jemimah James B. Mendoza, R.N.
Sunday, April 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment